Friday, December 7, 2012

Stainless Longganisa

Tulad ni Bob Ong, akala ko rin langgonisa ang tawag sa "longganisa" until mabasa ko ang libro niya tungkol sa pagsusulat.

Paninindigan kong informal ang blog na ito dahil iyon din naman ang style na ginamit sa libro. Papakahirap pa ba 'ko?

Ang Stainless Longganisa ang pangatlong likha ni Bob Ong na nabasa ko. Una yung MacArthur na tungkol sa mga magkakaibigang sabaw ang mga pangarap; pangalawa naman Ang mga Kaibigan ni Mama Susan na naimbyerna lang ako dahil matakutin akong tao.

Kabibili ko lang ng Stainless nung Sabado kasi nabanggit ng kaibigan kong si Rossielle na tungkol daw ito sa pagsusulat. Sakto naman dahil medyo pinapatos ko ngayon ang mga ganitong klase ng babasahin. Inaatake na naman ata ako ng frustration.

Matagal-tagal ko na ring di nabasa si Bob Ong. Nung una kong buksan ang MacArthur, tawa ako nang tawa. Marahil ay noon lang ako nakapagbasa ng balbal na libro. Sabi ko, astig 'tong writer na 'to! Subalit noong isang araw, parang na-disappoint ako sa Stainless. Mapakla yata ang banat; parang hindi na ko nasasabik o nagugulat sa mga sinasabi ni Bob. Epekto ba 'to ng katandaan na hindi na gumagana sa 'kin ang style niya o sadyang nagagaguhan na 'ko sa kanya ngayon at hindi ko yun napansin noon? Pwede ring bad vibes lang talaga ako.

Hindi ko masabi. Pero pinilit kong tapusin ang libro. Sayang ang 150 ah! Nung kalagitnaan na, unti-unting tumatalab ang magic ni Bob Ong. Ayan na naman, bigla na lang akong natatawa sa mga anecdotes niya on writing. Lalo na yung part na gusto niyang magmakaawa na bilhin naman yung libro niya. Pati noong nagpakalbo siya at bigla siyang binigyan ng nanay niya ng 200 pesos na tipong sinusuhulan ang katinuan niya.

Ang pinakagusto kong bahagi ng Stainless ay yung pagpapahalaga ni Bob Ong sa ibang writers at yung pagiging totoo niya sa sarili. Oo nga, wala namang taong perpekto pero mortal sin na talaga yung wala kang gawin para tuparin ang pangarap mo. Gusto mong maging writer? Simulan mo nang magsulat!

Lahat naman ng tao, parating may sasabihin. Maganda man o hindi ang marinig mo sa kanila, tumuloy ka pa rin sa plano mo. Kung ano ang talentong ibinigay, hasain mo lang nang hasain.

Sabi nga ni Bob:
"Ang importante meron kang mga mambabasang nabibigyan ng inspirasyon sa mundo. Magsulat ka para sa kanila, hindi para sa mga kritiko."

Humihingi ako ng dispensa kay pareng Bob kung nadamay siya sa pagiging BV ko. Mali kasi ako nung mag-expect akong instant tawa na naman ang makukuha pag binuklat ko ang libro niya. Pero natawa naman din talaga ko sa bandang huli. Baka sad lang talaga ako lately kaya ganito 'ko, naghahanap ng aliw!

Anyway balik sa Stainless, hindi lahat ng sinasabi ng libro o ng ibang tao, lulunukin natin. May utak tayo para i-proseso kung makabubuti ba ito o hindi. Ang mahalaga naman talaga ay hindi ang opinyon ng kung sinong Poncio Pilato yan kundi ang kung ano talaga ang sigaw ng puso mo. Yak, cheesy!

Kung tulad ni Bob Ong, kelangan mo rin ng basurahan sa nagtatae mong ballpen, wag mong pigilan ang tinta, ikaw lang din ang madudumihan. Sumulat ka lang. Maging ikaw man ang maging sarili mong kontradiksyon sa huli, eh ano naman?

Tumatanda tayo at mas nakikilala natin ang sarili habang tumatagal. Mas naitatama rin natin ang mga pagkakamali. Malay ko bang longganisa pala yun!


2 comments:

  1. Hi bebe... :))

    Uy, bebe. I agree dun sa part na "it's not Bob Ong funny" ang Stainless. ganun din exactly ang naramdaman ko whyl reading it.

    Ako din nagsawa na sa kanya. same comic style and same satire style kasi ang makikita mo sa works nia eh (im speaking atlis for Alamat ng Gubat, McArthur, Kapitan Sino). All of the above mentioned are, by the way, magaganda pa rin kahit pareho ng timpla :)

    In fairness, namiss ko na siya- sobra.

    Thank you for sharing this.

    *ano bang sinasabi ko? haha. ewan din.

    ReplyDelete
  2. Thanks for your thoughts bebe! :) True, nakakamiss din siya. Bigyan nga lamang ng tamang palugit ang pagbabasa ng mga libro niya dahil baka masobrahan. haha

    ReplyDelete